I've been working on this paper for about a week. Drank lots of frappe for this one. Cheers to my first paper in Filipino! Our professor told us this is the easiest one to work on so we might as well grab the chance to get an A. Talk about understatements. :/
What he asked for was not easy to give. We had to dig deep! No adjectives for us, too. We had to make the readers feel what we really what to convey. Images have to be clear and sharp. Plus, it was not easy writing in Filipino. I got so used in writing stuff in English. Everything must be implied, never stated. We must also fill 4-5 pages. It must be completely filled with words with Courier New, Size 10 and 1.5 spacing. Who's to find that simple?! Oh well. Here's to another first!
PS. This is a reflection paper about my hometown, Isabel, Leyte. Feel free to breeze through the essay! It's kinda long so please bear with me. :)
Ang Mundo sa Aking Likuran
“Sa anong probinsiya ka ba nanggaling?”
Ito ang katanungang laging
bumubungad sa akin tuwing nakikipagkilala. Kay simple naman, ‘di ba? Isang sagot
lang naman ang hinihingi. Ewan ko ba’t nahihirapan akong ipaliwanag kung saan
ba talaga ako nagmula.
Tubong Legazpi ako. Gayundin
ang buong angkan ko. Kinalakhan kong natatanaw mula sa malawak na asotea ni
Lola ang Bulkang Mayon. Alalang-alala ko pa ang halimuyak ng mga bulaklak na
itinanim ni Lola sa malalalim na paso’t kung paano ko diligan ang mga ito
pagsapit ng dapit-hapon. Iyon nga ang inaatupag ko nang hinayo niya ako sa loob
ng bahay, isang bungalow napapalibutan ng matataas na bakod at pader ng
kapitbahay.
Hindi ko mawari kung bakit
biglang tumahimik ang kapaligiran. Tila lumakas bigla ang huni ng mga ibong
nagpapalipas ng oras sa pasamano. Malayo ang tingin ni Lola. Tulala. Nakaupo
siya sa paborito niyang silya. May mga luhang namumuo sa gilid ng kanyang mata
ngunit wala ni isang gumihit sa kanyang pisngi. Si Lolo na ang nagsabing,
“Kukunin ka ng mommy mo. Doon ka na raw
sa Leyte mag-aaral ngayong pasukan.”
Nangungupahan lang noon ang aming
pamilya sa isang bahay na kahoy na madaraan ng halos lahat ng dyip. Maliit.
Masikip. Hindi lang nga kami ang nakatira sa bahay na iyon. Palibhasa’y
naitalaga ang aking ama sa Batangas, kaming mag-iina lamang ang naiiwan. Kwento
ng nanay ko, kung minsan biglang na lamang hihina ang pinapatugtog na radyo. May isang beses nga nabigla na lamang siya
nang makita niya akong gumagapang na palabas ng pinto. Inilagay na niya kasi
ako noon sa aking kunan, himbing na himbing na natutulog.
Nagbawas ng mga manggagawa ang
kumpanyang pinapasukan ni Ama noon. Buti na nga lang at mabilis din siyang
nakahanap ng kapalit. Iyon nga lang, sa isang bayan sa Leyte raw matatagpuan
ang kumpanya. Walang sinayang na panahon ang aming mag-anak. Pagkalipas lang ng
ilang araw, handa na silang iwan ang Legazping kuha ang kiliti nila para sa
isang bayang pangalan lang ang alam nila. Oo, sila lang. Iniwan muna nila ako
sa pangangala ng aking lola habang hindi pa nila nasisiguro ang kalidad ng
pamumuhay doon.
Wala sa mapa ang Isabel. Kapag
may nakipagkikilala nga’t ibinanggit ko ito, ang karaniwang kasunod na tanong
nila’y, “Ha? Saan ‘yun?” Kung hindi ko
man ito nasilayan, ganito rin yata ang magiging reaksiyon ko. Sa bayang ito,
kaliwa’t kanan bundok ang makikita mo. Kung di man bundok, ang karagatan naman
ang bubungad sa mga mata mo. Sa mura
kong isipan, hindi ko mawari kung bakit dito na kami ipinadpad ng kapalaran.
Grade Two ako nang tuluyan kong iwan ang buhay-lungsod. Halo-halo ang
nararamdaman ko noon. May ngiting naiiwan sa aking mga labi sa tuwing naiisip
kong pagkakataon na rin itong magkasama-sama kami ng aming pamilya. Tatlong
taon din akong nasa pangangalaga ng aking lolo’t lola. Iba siguro ang
pakiramdam nang nakikita ang aking mga magulang sa bawat paggising at hindi
lamang naririnig nang ilang minuto sa telepono dahil mahal nga ang bayad sa long-distance calls. Sa kabilang banda,
bumibigat ang pakiramdam ko’t natutulala. Iba na itong papasukan ko. Wala rito
ang naglalakihang gusaling nakasanayan ko. Walang maiingay na pasaherong
nagmamadali’t nakikipag-aagawan sa mga dyip at van papuntang trabaho’t eskuwela.
Nasaan na ang mga ilaw-trapiko? Bakit wala pa tayong nadaraanang mall? Kay kitid ng mga lansangan! Pauntul-untol
pa ang takbo ng sasakyang mukhang nasobrahan na sa air freshener.
Halos abutin din ng isang araw ang biyahe mula Legazpi papuntang Isabel.
Kailangang tumawid pa ng dagat at tumahak ng daang tila walang hanggan para
makarating sa liblib na bayang iyon. Buti nga’t naipatayo ang paliparan sa
Tacloban. Mulang Maynila, tatlumpung minuto hanggang isang oras na lang, nasa
Visayas ka na. ‘Yun nga lang, apat na oras ka pang nakaupo sa loob ng masikip
at, kung mamalasin pa, mainit na van. Kahit ganoon pa man, mas kanais-nais na
rin ito kaysa sa pagtiis ng pagkahilo sa mga lansangang gumagapang pataas ng
bundok.
Hindi pa pala ito ang Isabel na kagigisnan ko.
Natapos din ang prusisyon. Iminulat ko ang aking mga matang pilit kong
ipinikit sa pag-aakalang panaginip lamang ang aking paglipat. Wala pa rin. Inihinto
na ng drayber ang kotse. Laking gulat ko nang makita ko ang isang napakataas na
bakod na bato at malapad na pintuang bakal. Sinalubong pa kami ng ilang guwardiyang
suot ang kanilang unipormeng walang bahid ng mantsa. Tiningnan ko ang mundo sa
likod ng sasakyan. Ganoon pa rin. Puno ng berdeng kapaligiran. Ito pala ang
Isabel ko, isang bahaging naiiba mula sa Isabel na pinaniwalaa’t una kong
nakilala.
Tila nasa gitna ng kawalan ang aking Isabel. Isang sibilisasyong biglang
sumulpot upang punan ang espasyo sa isang liblib na pook. Ayon sa karamihan,
ito ang distrito ng mapapalad. Pili lamang ang naninirahan dito. Ilang
porsyento lamang ng mga manggagawa mula sa dalawang kumpanya, PASAR (Philippine
Associated Smelting and Refining Corporation) at PHILPHOS (Philippine Phosphate
Corporation), ang umuukopa ng distritong ito.
Sa Isabel ko, bantay-sarado ang mga residenteng halos hindi mo masisilayan
sa ilaw ng umaga. Bawat oras, sa bawat sulok, mahahalintulad sa uwak ang mga
guwardiyang nakaantabay sa kung anumang kaguluhang mapuna. Hindi rin
basta-bastang nakapapasok sa Isabel ko ang hindi tagaroon. Malilinis at halos
walang tao ang mga kalye tuwing umaga. Nababasag lamang ang nakabibinging
katahimikan pagsapit ng hapon. Nagsisilabasan na ang mga batang naglalaro ng
patintero’t habulan o kaya nama’y lunan ng sari-sariling bisikletang nililibot
ang buong distrito. Sa oras na ring ito, rumarampa na rin ang mga aso kasama
ang sari-sariling among halatang nagpapapayat. Pare-pareho ang disenyo ng mga
bungalow nagkakaiba lamang sa laki ng bahay at kulay ng bubong. Mas malaki ang
bahay, mas mataas ang posisyon sa kumpanyang pinapasukan ng ama o ina. Pula
lamang o berde ang mga bubong na nagsisilbi na ring palatandaan kung saang kumpanya
konektado ang mga naninirahan sa nagsabing bahay.
Tila nababalot ng luntian ang buong distrito. May mga espasyong ginawang
harding punung-puno ng iba’t-ibang uri ng bulaklak. Maliit at malalaking
orkidyas na nakakabit sa punong iba’t-iba ang hugis at taas. Pula, dilaw,
puting santang kadalasang nagsisilbi ring bakod na nakapalibot sa bawat tirahan
kahit hindi naman mahilig sa pagtatanim ang mga namamalagi dito. Gumamelang
maninipis at makakapal na malagong tumutubo kahit madalas mang makaligtaan.
Nagmimistulang prutasan ang distrito dahil sa mga punong hitik na hitik na sa
bunga. Matatakam ang sinumang makakita ng mga manggang kay laki’t dilaw na
dilaw. Tuwing tag-araw, nagsusulputan ang mapupulang makopang nahuhulog na
lamang dahil hindi lahat napipitas. Dito rin ako unang nakakita ng bayabas
sinlalaki na ng mga pomelo! Minsan naman, sari-saring uri ng gulay ang makikita
sa mga hardin. Hindi mawawala ang malunggay na tumutubo lang maski saan.
Nariyan din ang papayang hindi nauubusan ng bunga kahit mumunti at hindi man
gaanong kabigat ang bawat isa nito. Hindi biro ang maliliit at napakapulang
siling halos matatagpuan sa bawat kanto.
Sinasabing mayaman ang distrito kong iyon. Paano ba naman, sadyang hindi
makaliligtaan ang mga makikinang na kotseng makikitang nakagarehe. Nariyan din
ang mga katulong na nagwawalis ng mga tuyong dahon sa bakuran, naglalaba gamit
ang kamay o ang mamahaling washing machine pinagbiling pagkaingatan o
naghahanda’t naghahatid ng baon para sa kanilang among nasa trabaho sa
pamamagitan ng mga bus na kada oras na nililibot ang buong pook.
Hindi ko na Isabel ang mga kalsadang puno ng kabahayang iba-iba ang laki,
lawak, hugis at kulay. Mula umaga hanggang gabi, nambubulahaw ang malakas na
tunog na radyo ng kapitbahay o ang mga halakhak ng mga nanay na nagtsitsimisan.
Sa Isabel na ito, bawat kanto, may tindahang hindi nauubusan ng
magkakabarkadang nakatambay. Dito, mga traysikel ang nag-uunahan at sumasakop
ng mga kalye’t eskinita. Kakaiba ang mga ito dahil pito, hindi pa kabilang ang
namamasada, ang maaring magkasya rito. Hindi uso ang dyip sa bahaging ito ng
Pilipinas. Sa Isabel na ito, mga bus at multicab
na kasinkulay ng mga hari ng Maynila ang pangunahing paraan ng paglalakbay. Sa
Isabel na ito, maraming munti ang makikitang palabuy-laboy sa kalye buong araw.
Walang mga sapin sa paa. Gula-gulanit ang saplot. Sa halip na pumasok sa
eskuwela, nariyan sila nakaantabay sa tabi-tabi. Maya-maya, mararamdaman mo na
lang na may tatapik sa iyo, nanghihingi ng kung anumang puwedeng makain. Hindi
ko na Isabel ang bahaging ito. Hindi ko na Isabel ang mundong nasa ibayo ng
matatayog na pader na nakapalibot sa aming distrito.
Maliit lang ang Isabel ko. Pitong kalye lang ang matatagpuan rito. Hango
sa mga puno’t halamang kadalasang nakikita rito ang bawat isa. Tulip. Balete.
Acacia. Golden Shower. Gayunpaman, matatagalan ka ring ikutin ang distrito dahil
sa bawat liko, sa bawat kanto, may makakasulubong kang pamilyar na mukha.
Siyempre, hindi mawawala ang kamustahan. Kung minsan pa nga, yayain ka pang
saluhan sila sa mainit-init pang pandesal at pansit.
Sa mga tubong-Isabel, likas na ang paggamit ng naglalakihang boses sa
araw-araw na pakikipag-usap. Mabubulabog ang sinumang hindi sanay sa gawing ito
ng mga tagaroon. Aakalain mong nagtatalo’t hindi nagkakaintindihan ang
magkumareng nagtsitsismisan sa karatig-bahay. Madiin din kasi sila sa
pagsasalita. Ilang saglit lang ang lilipas at maririnig mo rin ang kanilang
hagikhik. Iyon pala, nagkukumustahan
lang ang mga babaeng matagal nang hindi nakapag-usap.
Nabibilang lang ang mga pamilyang napalad na mapiling maging bahagi ng
komunidad na ito. Kaya naman malalapit ang magkakapitbahay maliban na lang kung
may pinagdaanang alitan tungkol sa mga anak o sa lupa. Karaniwang kaklase ko
ang anak ng katrabaho ng kapitbahay namin. Dala rin ng mga koneksyon,
napakabilis kumalat ng balita, mabuti man ito o ang kabaliktaran. Nakakatawang
isiping nauna pa ang katrabaho ng tatay kong makaalam na pumasa ako’t
nakatanggap ng scholarship sa Ateneo
kaysa sa akin. Kapag nga bago ang kotseng mo, asahan mong kalat na ito
kinabukasan kahit hindi mo pa man ito naimamaneho.
Kung gaano kabilis makibalita, ganoon din namang kabilis mapag-usapa’t
mahusgahan. Madaling maging isyu sa Isabel ko. Ikaw na ang paksa ng tsismisan
kapag nakitang lumulobo na ang tiyan mo’t hindi ka pa kasal. Nakikita kang
kasama ang isang binatang may itsura’t nagmumula sa isang sikat na pamilya?
Asahan mong napansin ka na’t laman ng usap-usapan. Mas mahirap kapag bagong
lipat ka. Ganoon nga ang pakiramdam ko noong una kong pasok sa eskuwela. Natapos
pa lang ang unang kapat na markahan at ipinaskil na rin ng mga guro ang
listahan ng honor students. Hindi ko namang inaasahang
pangalan ko ang maging una sa talaan. Oo, ikinagulat ito ng lahat dahil natalo
raw ng isang transferee ang batang tinaguriang
walang kapantay at laging nangunguna sa klase.
Simula noon, ramdam ko ang masugid na pagmamasid ng lahat sa akin na tila
ba hindi na ako puwedeng magkamali. Bumaba lang nga ang mga marka ko, may
maririnig na akong haka-haka kung bakit ito nangyari. Nagdadalaga na raw kasi. Baka
raw may kasintahan na’t naaabala na. Baka raw nagrerebelde na’t gusto nang
magpalit ng katauhan. Baka raw nawala na ang interes at talino at nagsawa na
rin sa pagiging ulirang mag-aaral.
Sa Isabel ko rin matatagpuan ang sinasabing isa sa pinakamagaling na
paaralan sa lalawigan. Hindi puwede ang “Puwede na.” Dito, matirang matibay.
Patunayan mong kaya mo dahil kung hindi, magsimula ka nang maghanap ng
malilipatan mo.
Tulad ng Isabel ko, madaling maisaulo ang lahat ng pumapasok sa aming
paaralan. Sa haba ng oras na magkakasama, lubusan kong nakilala ang mga taong
kasabay ko na ring lumaki’t nangarap. Paano ba namang hindi mangyayari iyon?
Simula kindergarten hanggang hayskul,
sila ang mga mukhang sama-sama na.
Kung may maituturing katangi-tangi ang Isabel, kabilang nga siguro rito
ang dalawang kumpanyang nagpapaunlad ng ekonomiya ng bayang ito. Lingid sa
kaalaman ng iba, kabilang ang PASAR at PHILPHOS sa mga proyektong pinangasiwaan
ng pamahalaang Marcos. Dalawa lamang ito sa mga proyektong isinulong tungo sa
industriyalisasyon ng bansa. Umabot ang sandaling hindi na ito kayang panagutan
ng pamahalaan kaya ipinagbili ang mga ito sa pribadong sektor. Copper cathodes ang pangunahing produkto
ng PASAR habang pataba naman ang sa PHILPHOS.
Nasa dulo ng aking Isabel ang dalawang kumpanyang ito. Iisipin mong nasa
Gitnang Silangan ka kapag nakapasok ka sa loob ng korporasyon. Naging gris na
ang mga higanteng plantang kulay puti dahil sa alikabok. Hindi tulad ng
bahaging residensyal, kongkreto’t halos walong damo ang nasa kaliwa’t kanan mo.
Nangingilaw na ang mga punong nakatanim sa palibot ng mga ito. Masakit sa ilong
ang binubugang usok. Maalinsangan kahit kapag umuulan sa pagawaan. Dahil din sa
dalawang kumpanya, hindi uso ang maligo sa malakas na ulan. May malaking
posibilidad kasing acid rain na ang
bawat pag-ulan. Kapag nabasa nga ng ulan, iminumungkahing maligo ka’t magbanlaw
nang lubusan kung ayaw mong mangati.
Ito nga ang naging mundo ko sa loob ng walong taon. Simple. Komplikado.
May lugar nga ngunit mukha pa ring wala sa lugar. Bayan ko, ngunit hindi ko
talagang masasabing akin.
Noong bata pa ako’t tanging kaligayan ko ang linggu-linggong pamamasyal sa
mall, nayayamot akong hintayin ang araw na lilisanin
kong muli ang Isabel. Sabik akong makitang muli ang Legazping kinagisnan,
marinig ang ingay mg mga sasakyang umaarangkada mula umaga hanggang gabi,
makagisnan ang mga mall na
naghahandog ng lahat ng layaw sa mundo.
Nasa kolehiyo na ako ngayon at nag-aaral sa isa sa nangungunang pamantasan
ng bansa. Sa wakas, natunton muli ng dalawang paa ang lungsod. Walang mga
bundok na natatanaw kasama ng mga alapaap. Nagsusulputan nga sa bawat kanto ang
mga higanteng gusali. Kapalit ng mga bituing kumikislap ang karagatan ng
gintong ilaw walang hanggan.
Oo, nakabalik na ako sa lungsod na aking kinagisnan ngunit bakit hindi ko
mapilitang lumingon at tanawin ang mundong nasa aking likuran?
No comments:
Post a Comment